DOLE, patuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho

LUNGSOD NG CABANATUAN, Setyembre 22 (PIA) — Inililista sa barangay ang mga nawalan ng hanapbuhay na hindi pa nakatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
 
Ayon kay Department of Labor and Employment o DOLE Nueva Ecija Provincial Director Maylene Evangelista, ito ay bilang paghahanda para sa mga bagong magiging benepisyaryo ng programang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers sa ilalim ng nilagdaang Bayanihan Act 2.
 
Aniya, kabilang sa mga dapat na nakalista ay ang mga tinatawag na unserved o hindi pa nakatatanggap ng kahit anong ayuda gaya ng Social Amelioration Program at iba pang programa ng mga ahensya ng pamahalaan. 
 
Maaaring maging benepisyaryo ang mga underemployed o unemployed na mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya, kalamidad o iba pang kadahilanan.
 
Ang listahan ay manggagaling sa mga barangay na silang nakakaalam ng kalagayan ng mga nasasakupan na maaaring maging benepisyaryo ng programa ng kagawaran. 

Pahayag ni Evangelista, sa ilalim ng programang TUPAD ay sasahod sa minimum wage ang mga benepisyaryo na magta-trabaho sa komunidad ng sampung araw.
 
Mayroon din aniyang programang pangkabuhayan ang kagawaran para sa mga hindi na kayang magtrabaho o sumailalim ng mga pagsasanay. 

Para sa mga katatapos lamang ng pag-aaral o mga hindi pa nakahahanap ng trabaho ay mayroong Government Internship Program ang DOLE upang maging temporary employment. 

Ayon pa kay Evangelista, maaaring magsadya mismo sa kanilang mga opisina na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Business Hub sa lungsod ng Palayan at Old Capitol Compound sa lungsod ng Cabanatuan upang magabayan sa paghahanap ng trabaho. 

Gayundin ay maaaring tumungo sa mga tanggapan ng Public Employment Service Office na matatagpuan sa mga nakasasakop na lokal na pamahalaan. (CLJD/CCN-PIA 3)
 

Comments are closed.