Tagalog News: LGU-Shariff Aguak nagsagawa ng cleanup drive sa founding day ng bayan

LUNGSOD NG COTABATO, Set. 22 (PIA) –Isinagawa kamakailan ng Lokal na Pamahalaan ng Shariff Aguak sa Maguindanao ang cleanup drive bilang paggunita sa ika 57th founding day ng bayan.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran sa gitna ng kinakaharap na pandemya na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Gamit ang walis, rakes, at pala, kasama ni Ampatuan ang iba pang mga lokal na opisyal, mga pulis, sundalo, pati na rin ang lahat ng mga stakeholder ng bayan sa paglilinis sa pampublikong palengke, terminal, at mga pangunahing lansangan ng bayan.

Kasama din sa naglinis ang mga nagtitinda sa bangketa at mga drayber ng traysikel. Nakolekta ng mga ito ang dose-dosenang mga sako ng plastic, walang laman na bote ng tubig, at mga piraso ng cellophane.

Siniguro naman ng LGU-Shariff Aguak na lahat ng mga kasali sa cleanup drive ay nakasuot ng face masks, face shields, gloves, at sumunod sa ipinatutupad na physical distancing.

Samantala, hinikayat ng alkalde ang mamamayan ng bayan na panatilihin at lalo pang palakasin ang pagkakaisa at pag-uunawaan upang makamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.

Tema ng pagdiriwang sa bayan ngayong taon ay, “Maging Malakas sa Bagong Anyo ng Panahon.” (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from LGU Shariff Aguak).

Comments are closed.