Tagalog News: SSB TREEvolutuion isinagawa sa Sultan sa Barongis, Maguindanao 

LUNGSOD NG COTABATO, Set. 22 (PIA) — Isinagawa kamakailan sa bayan ng Sultan sa Barongis, Maguindanao ang aktibidad na tinaguriang SSB TREEvolution o ang pagtatanim ng abot sa 2,000 punla ng mahogany.

Ang sabayang pagtanim sa loob ng dalawang minuto ay ginanap sa mga barangay ng Bulod na may 300 punla, Tukanakuden na may 300 punla, Tugal na may 550 punla, Angkayamat na may 450 punla, at Langgapanan na may 400 punla.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Sultan Sa Barongis Mayor Mamatanto Mamantal kasama si 40th Infantry (Magiting) Battalion Commanding Officer LTC Rogelio Gabi, mga representante ng ibat-ibang mga ahensya ng gobyerno, at mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Sultan sa Barongis.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mamantal na suportado nito ang lahat ng mga pagsisikap ng gobyerno upang maiwasan o mapagaan ang epekto ng pagbabago sa klima lalong-lalo na sa kanilang bayan na madalas ay apektado ng pagbaha.

Pinasalamatan din ng alkalde ang lahat ng mga sumuporta at nakiisa upang maging matagumpay ang isinagawang aktibidad.

Nabatid na ang 2,000 punla ng mahogany ay nagmula sa Ministry of Environment and Natural Resources ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MENRE-BARMM).

Ang Sabayang Tanim ay kabilang sa Greening Program sa ilalim ng 2020 Annual Investment Program (AIP) ng LGU-Sultan sa Barongis. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from MDRRMO Sultan sa Barongis).

Comments are closed.