DOH 4A, may mga programa, helpline para sa mga nakararanas ng mental health issues 

CALAMBA CITY, Laguna, Set. 23 (PIA) – Ibinahagi ng Department of Health – Center for Health Development Calabarzon (DOH-CHD 4A) ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kalusugang pangkaisipan o mental health ng isang indibidwal.

Sa programang Usapang PIA noong Setyembre 18 ay tinalakay ni DOH-CHD 4A Mental Health Coordinator Paulina Calo ang napapanahong usapin tungkol sa mental health at suicide na isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo.

Ayon kay Calo, ang mga kabataan na may edad na 15-29 ang madaling maapektuhan ng depresiyon o iba pang mental health problems na maaaring mauwi sa suicide.

Upang makatulong na maagapang mauwi sa pagkitil ng sariling buhay, lubos na magdudulot ng kaginhawahan ang paghikayat na makipag-usap dahil mabisa itong paraan para malaman ang kanilang pananaw sa buhay, sa kanilang sarili at kung ano ang tunay nilang nararamdaman.

Mahalaga rin ang pagbibigay gabay sa paggamit ng mga kabataan sa modernong teknolohiya dahil dito kadalasang nakikita ang mga website na nagpapakita ng karahasan at iba pang mga negatibong pananaw sa buhay.

“Dapat bantayan ang kabataan kung saang website sila pumupunta at huwag pagalitan o kutsahin bagkus gawin natin itong paraan para makilala natin sila ng husto upang mapalakas ang ating relasyon sa kanila,” ani Calo.

Dagdag pa niya na palaging tandaan na ang mga simpleng pangangamusta ay makapagdudulot ng malaking pagbabago sa buhay ng isang tao, lalo na sa panahon ng pandemya na ating kinakaharap marami ang lubos na naapektuhan dahil sa pagkawala ng nakasanayang pamumuhay.

Kaugnay nito, inihayag ni Calo ang kasalukuyang programa ng ahensya na Kapit-Bisig Calabarzon Helpline na patuloy na isinusulong upang makapagbigay ng libreng konsultasyon o counseling online.

Layon ng Kapit-bisig Calabarzon Helpline na inilunsad ng DOH-CHD 4A noong Abril 27, 2020 na matulungan ang mga indibidwal na nakakaranas ng psychosocial ang mental health issues dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Calo, gumagamit ang Kapit-Bisig Helpline ng online platforms gaya ng Facebook Messenger upang makapgbigay ng mga kinakailangang tulong tulad ng psychological first aid (PFA), psychological interventions, psychiatric consultation at referral sa mga iba pang kaugnay at kinakailangang serbisyo.

Batay pa sa pahayag ni Calo, kabilang sa nalalapit na paggunita ng mental health month ngayong darating na buwan ng Oktubre ang paglulunsad ng DOH Calabarzon ng telemedicine program.

“May ilulunsad na tinatawag na ‘mental neurological and substance use disorder using referral system thru telemedicine kung saan sa mga komunidad ay magkakaroon ng mga consultation sa mga espesyalista tulad ng psychiatrist, neurologist at psychologist,” ani ni Calo.

Hinihikayat naman ni Calo ang mga indibidwal na nakararanas ng mental health issues na magpakonsulta sa mga espesyalista upang malunasan at masolusyunan ang mga sakit na dulot ng pangkaisipan na kalusugan. (CO/PIA4A)

Comments are closed.