Tagalog News: Mga frontliner sa Cotabato Province nabigyan ng libreng flu at pneumonia vaccine

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato, Set. 22 (PIA)–Nagsagawa kamakailan ng libreng pagbabakuna kontra trangkaso at pulmonya ang pamahalaang panlalawigan sa mga frontline worker ng probinsiya.

Ang pagbabakuna sa mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Task Force Sagip, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, health practitioner, at mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender (LGBT) community ay pinangunahan ng Integrated Provincial Health Office. Layon ng programa na siguruhing protektado ang mga frontliner ng lalawigan laban sa mga nakahahawang sakit na kadalasang kumakalat lalung-lalo na kung pabago-bago ang panahon.

Binigyang-diin ni IPHO head Dr. Eva Rabaya na ang bakunang ibinigay sa mga frontliner ay hindi bakuna kontra coronavirus disease 2019 dahil hanggang ngayon ay wala pa ring lunas o gamot sa nasabing karamdaman.

Maliban sa libreng bakuna, namahagi rin ang IPHO ng mga COVID-19 hygiene kit na may lamang facemasks, alcohol, at vitamin C para sa mga frontliner. Dagdag pa dito, nagsagawa rin ang IPHO ng libreng Human Immunodeficiency Virus (HIV) testing at information dissemination campaign sa mga miyembro ng LGBT community at frontline worker.

Sa kanyang mensahe na ipinaabot ni provincial administrator Efren Piñol, pinasalamatan ni Governor Nancy Catamco ang lahat ng mga frontliner sa kanilang ginagampanang papel sa paglaban sa krisis pangkalusugan na kinakaharap ng buong mundo. (With reports from IDCD-Provincial Government of Cotabato)

Comments are closed.